Mas hihigpitan ng Cabagan Police Station ang pagpapatupad ng batas laban sa mga menor de edad na nagmamaneho ng motorsiklo, kasunod ng pagkasawi ng dalawang batang rider sa nasabing bayan.
Binawian ng buhay ang dalawang menor de edad matapos masangkot sa aksidente sa kahabaan ng Provincial Road sa Brgy. Cansan, Cabagan, Isabela.
Ayon sa salaysay ng mga saksi, mabilis umano ang takbo ng motorsiklo at hindi napansin ng tsuper ang isang baka na tumatawid sa kalsada. Nabundol nila ang hayop, dahilan upang tumilapon sa kalsada ang motorsiklo at ang dalawang sakay nito na parehong walang suot na helmet.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Merwin Villanueva, hepe ng Cabagan Police Station, sinabi niyang karaniwan nang may mga ipinapastol na baka sa naturang lugar, na bahagi ng kalsadang nag-uugnay sa bagong gawang bypass road.
Pagdating ng mga pulis sa lugar, wala na ang baka na nasangkot sa aksidente. Patuloy pa ang imbestigasyon dahil posibleng managot sa civil liability ang may-ari ng hayop.
Bunsod ng insidente, tiniyak ng Cabagan Police Station na magpapatupad sila ng mas mahigpit na aksyon laban sa mga menor de edad na nagmamaneho ng motorsiklo.
Nanawagan din si PMaj. Villanueva sa mga magulang na huwag hayaang magmaneho ng motorsiklo ang kanilang mga anak na menor de edad upang maiwasan ang kaparehong trahedya.











