Bumagsak ang isang steel bridge sa Purok 5, Sitio Sogong, Barangay Ilawod,Camalig, Albay nitong hapon ng Huwebes, Agosto 28, matapos umanong tawirin ng isang overloaded na truck na may kargang mga bato.
Ayon sa social media post ng isang residente, lumampas umano sa kapasidad ng tulay ang bigat ng truck, dahilan upang bumigay ang estruktura. Dahil dito, naapektuhan ang daloy ng trapiko at ang mga residente na araw-araw dumaraan sa naturang tulay.
Kinumpirma ng Municipal Engineering Office (MEO) sa ulat na inilabas ng Camalig Public Information Office (PIO) na ang tulay ay orihinal na idinisenyo para sa mga magagaan na sasakyan lamang.
Ang overloaded na truck, na itinuturing na heavy vehicle, ay lumampas sa limitasyon ng bigat na kayang dalhin ng tulay, kaya’t nagdulot ito ng matinding pinsala at ginawang delikado para sa publiko.
Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ang publiko na iwasan munang gamitin ang tulay habang isinasagawa ang pagkukumpuni.
Hinikayat ang mga motorista at pedestrian na gumamit ng alternatibong ruta para sa kanilang kaligtasan.
Nagpaalala rin ang mga kinauukulan na mahigpit na sundin ang mga limitasyon sa bigat ng sasakyan at kapasidad ng tulay upang maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap.
Nanawagan din ang mga residente ng agarang aksyon upang maibalik ang tulay na nagsisilbing mahalagang daanan para sa araw-araw na biyahe at transportasyon sa kanilang lugar.







