Naalarma ang Barangay District 1, Cauayan City sa biglaang pagtaas ng kaso ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) sa mga paaralan sa kanilang nasasakupan.
Ito ay matapos maitala ang 30 kaso ng nasabing sakit sa Cauayan South Central School, kung saan karamihan sa mga nagkasakit ay mga mag-aaral sa Grade 1.
Kaugnay nito, nagsagawa ng disinfection ang barangay sa nasabing paaralan at sa daycare center, hindi lamang para sa HFMD kundi upang maiwasan din ang pagkalat ng dengue.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Ariel Calixtro ng District 1, sinabi niyang humingi ng tulong sa barangay ang pamunuan ng mga paaralan dahil dumarami na ang mga apektadong estudyante.
Bagaman walang tiyak na gamot para sa HFMD, minabuti na lamang ng barangay na gumamit ng all-in-one disinfectant upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante hindi lamang laban sa HFMD kundi pati na rin sa dengue.
Ayon pa kay Calixtro, nakaaalarma ang sitwasyon lalo na’t ito ang unang pagkakataon na nakapagtala ng naturang sakit sa lugar, dahilan upang magsuspinde ng face-to-face classes.
Sa ngayon, pinaaalalahanan ang mga magulang, guro, at estudyante na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran at maging maingat sa kalinisan ng sarili upang makaiwas sa anumang sakit.











