--Ads--

Itinalaga bilang bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon matapos magbitiw sa puwesto si DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Layunin ng naturang pagtatalaga na mas pagtuunan ng pansin at bigyang-solusyon ang mga isyu sa kagawaran, partikular na ang mga maanomalyang flood-control projects. Inatasan si Dizon na tiyakin na ang pondo ay nagagamit nang tama sa pagtatayo ng mga imprastraktura na kapaki-pakinabang para sa publiko.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, inaasahang higit pang mapapaganda at maisasailalim sa modernisasyon ang sektor ng transportasyon, na may pangunahing pokus sa kaligtasan ng mga komyuter at mas maayos na implementasyon ng mga proyekto.

Samantala, ang pagtatalaga kay Dizon ay sumasalamin sa matibay na paninindigan ng administrasyon na resolbahin ang katiwalian, papanagutin ang mga tiwaling opisyal, at tiyakin ang pagbibigay ng epektibong serbisyo publiko.

--Ads--

Ang pagbabago ay naganap sa gitna ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood-control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa at magiging epektibo simula ngayong Lunes, Setyembre 1, 2025.