--Ads--

Umani ng batikos mula sa ilang senador si Wawao Builders General Manager Mark Allan Arevalo matapos niyang tumangging sagutin kung may “ghost” flood control projects ang kanilang kumpanya sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Lunes, Setyembre 1, tinanong ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga kontratista kung may mga proyektong hindi aktwal na isinagawa sa Bulacan. Agad na tumugon si Ma. Roma Angeline Rimando ng St. Timothy Construction na wala silang ghost projects. Ngunit nang tanungin si Arevalo, nanatili itong tahimik.

Matapos ang ilang minutong katahimikan, sinabi ni Arevalo na iniinvoke niya ang kanyang “right against self-incrimination,” bagay na ikinainis ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.

Ipinaliwanag ni Arevalo na pinayuhan siya ng kanyang mga abogado na huwag sumagot sa mga tanong sa pagdinig, dahil maaaring gamitin ito laban sa kanya. “May usapin po kasi na kakasuhan ang mga kontratista ng DPWH, at bahagi ng ulat ng Senado ay ang rekomendasyon ng pagsasampa ng kaso,” aniya.

--Ads--

Ngunit hindi nasiyahan si Estrada sa paliwanag, lalo na’t tila binabasa ni Arevalo ang kanyang tugon. “It is only answerable by yes or no,” diin ni Estrada.

Sa bandang huli, sinabi ni Arevalo na kasalukuyan pa nilang bineberipika kung may ghost projects nga sila.

Sa naunang pagdinig noong Agosto 19, isiniwalat ni Estrada na may natanggap siyang impormasyon ukol sa ghost projects sa ilang bayan sa Bulacan. Kinumpirma ito ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, na nagsabing iniimbestigahan na nila ang usapin.

Ang Wawao Builders ay kabilang sa 15 kontratistang tinukoy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakakuha ng pinakamalalaking flood control contracts mula sa pamahalaan. Sa Bulacan pa lamang, may 85 proyekto ang Wawao na nagkakahalaga ng P5 bilyon.