CAUAYAN CITY- Tatlong katao ang nasawi habang pito ang sugatan matapos sumalpok sa poste ng kuryente ang sinasakyan nilang van habang pauwi sa San Pablo, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Novalyn Andal, tagapagsalita ng City of Ilagan Police Station, sinabi niyang naitala ang aksidente sa Barangay San Juan, Lungsod ng Ilagan, kung saan sakay ng van ang sampung katao.
Batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, lumalabas na galing ang van sa Maynila at pauwi na sana sa San Pablo, Isabela nang mangyari ang aksidente. Dahil sa mahabang biyahe, inantok umano ang driver na naging dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa manibela.
Unang sumalpok ang van sa poste ng kuryente bago bumangga sa isang puno sa gilid ng daan.
Nagtamo ng sugat sa katawan ang lahat ng pasahero ng van subalit idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang tatlong sakay nito habang nagpapagaling na sa pagamutan ang pito pang nasugatan kabilang na ang driver.
Dahil sa pangyayari, muling nagpaalala ang City of Ilagan Police Station sa mga motorista na huwag magmaneho kung inaantok. Ayon kay Capt. Andal, mas mainam na umidlip o magpahinga muna kung nakakaramdam ng antok habang nagmamaneho kaysa masangkot sa aksidenteng maaaring magdulot ng kapahamakan hindi lamang sa driver kundi pati sa kanyang mga pasahero.











