CAUAYAN CITY- Kasalukuyan ang ginagawang back tracking ng mga awtoridad matapos na maitala ang tunneling incident sa Bagabag Nueva Vizcaya.
Matatandaan na unang napaulat ang pagtangay ng mga hinihinalang miyembro ng “Termite Gang” ang nasa 250,000 pesos cash at 15 bank checks matapos isagawa ang tunneling sa isang kooperatiba sa Brgy. San Pedro, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Pmaj. Oscar Abrogena ang hepe ng Bagabag Police Station, sinabi niya na dumaan ang mga magnanakaw sa kanal na may higit 1km ang layo mula sa entrada at naghukay ng tunnel na 3 metro papunta sa ilalim ng establisyemento.
Lumalabas sa initial investigation na plinano ang pagnanakaw ng higit isang Linggo dahil sa hindi basta basta na maaaring makalusot sila sa ilalim ng establisyimento.
Sa ngayon may mga hawak na silang litrato ng mga suspek at kasalukuyan itong isasailalim sa enhancement.
Dahil sa insidente pinulong na ng pamunuan ng Bagabag Police Station ang may-ari at kawani ng iba’t ibang negosyo sa lugar para mabigyan ng paalala sa mga kawatan na naghahanap lamang ng pagkakataong makapangbiktima.
Muling biniyang diin ni Pmaj. Abrogena ang kahalagahan ng paglalagay ng CCTV, pagtatalaga ng security guard lalo na sa gabi at alarm system.
Sinimulan narin nila ang pag inspeksyon sa mga kanal upang tiyakin na wala ng ibang establishimento para makasiguro na hindi na muling makakapangbiktima ang mga salarin.










