--Ads--

Muling nagpakitang-gilas si Filipina tennis star Alex Eala matapos talunin ang Croatian player na si Antonia Ruzic sa dikdikang quarterfinal match upang makausad sa semifinals ng Prudential Hong Kong Tennis Open 2026.

Nakuha ni Eala ang panalo sa straight sets sa iskor na 7-6 (7-3) at 7-5 sa laban na ginanap nitong Biyernes, Nobyembre 6.

Sa unang set, nagkaroon ng pagkakataong makalamang si Ruzic matapos maagaw ang kalamangan, ngunit nakabawi si Eala upang maitabla ang iskor sa 6-6 at dalhin ang laban sa tiebreak. Nakalamang pa si Eala ng 5-0 bago nakabawi ang kaniyang katunggali, subalit nagawa pa rin ng Pinay na selyuhan ang unang set.

Naging dikdikan din ang ikalawang set kung saan nakalamang si Eala ng 4-2 bago nakahabol si Ruzic at naungusan pa siya sa 5-4. Naantala rin ang laban dahil sa ulan, ngunit pagbalik sa court ay nakabawi si Eala at nakuha ang huling dalawang laro upang tuluyang masungkit ang panalo.

--Ads--

Sa semifinals, makakaharap ni Eala ang Greek tennis player na si Maria Sakkari para sa puwesto sa championship round.

Matatandaang nakapasok din si Eala sa quarterfinals matapos talunin ang Czech player na si Tereza Valentova sa iskor na 6-4, 7-6 sa Round of 16.