Nasa ligtas nang kalagayan ang dalawang katao na sakay ng cargo jeep na nahulog matapos bumagsak ang slope protection sa Aritao, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Nerry Balwang, LDRRMO I ng MDRRMO-Kayapa, sinabi niya na una silang nakatanggap ng ulat hinggil sa naganap na vehicular accident sa Brgy. Baan, Aritao, Nueva Vizcaya, na kinasangkutan ng isang cargo jeep na may kargang mga kamatis.
Pagdating ng mga responder, nakita ang dalawang tao na sakay ng nahulog na cargo jeep at agad silang dinala sa pagamutan.
Batay sa pahayag na inilabas ng DPWH–Nueva Vizcaya 2nd District Engineering Office, gumuho ang bahagi ng slope protection structure at kalsada sa natapos na road widening project sa Nueva Vizcaya–Benguet Road sa Aritao bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Sa kasalukuyan, dalawang lane ng kalsada ang nadadaanan, ngunit pinapayuhan ang mga motorista na magdoble-ingat sa pagdaan sa naturang lugar.
Nailagay na rin ang mga reflectorized safety signs at barricades upang bigyang-babala ang mga motorista at maiwasan ang paglapit sa gumuho na bahagi ng kalsada.
Paglilinaw ng DPWH, nasa warranty period pa ang proyekto at tinitiyak ng Nueva Vizcaya 2nd District Engineering Office na ang kontratistang responsable ay gagawa ng kinakailangang hakbang upang ayusin ang nasirang bahagi nang walang gastos sa gobyerno.











