Nakatakdang isailalim sa validation ng Department of Agriculture (DA) ang naiulat na 64.99 ektaryang kabuuang pinsala sa mga pananim na palay at yellow corn bunsod ng pinagsamang epekto ng Bagyong Mirasol at Habagat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kay Olivas ng DA Region 2, sinabi nito na batay sa mga ulat ng mga LGU sa kanilang Disaster Risk Reduction Management Information System (DRRMIS), tinatayang nasa 64.99 ektarya ang lubos na napinsala habang umaabot sa 426.23 ektarya naman ang bahagyang napinsala dahil sa Mirasol at Habagat.
Nakapagtala rin sila ng volume losses na 10,588 metric tons o katumbas ng P28,997,855 na halaga ng regional total losses, kabilang ang mga produktong palay, mais at high-value crops sa mga lowland vegetables.
Sa kanilang pagtataya, pinakaapektadong pananim ay palay na umaabot sa P78.5 milyon, na sinundan ng yellow corn na may P28.9 milyon na halaga ng pinsala.
Kabilang sa mga LGU sa Isabela na nakapag-ulat na ng pinsala ay ang Gamu, Angadanan at Cabagan.
Aabot sa 264 magsasaka sa buong Lambak ng Cagayan ang naapektuhan ng nagdaang sama ng panahon.
Samantala, naghahanda na ang DA para sa posibleng epekto ng Bagyong Nando na inaasahang magiging super typhoon habang nasa karagatan pa.
Aniya, maaga silang nagbibigay ng abiso sa mga magsasaka kung may paparating na sama ng panahon, habang ang mga standing crops na malapit nang anihin ay agad nang pinapaani upang maiwasan ang karagdagang pinsala.











