--Ads--

Umabot sa 243 pamilya o 686 na indibidwal ang lumikas simula alas-4 kahapon sa lalawigan ng Batanes dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Nando.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roldan Esdicul, PDRRM Officer ng Batanes, sinabi nito na tumuloy ang mga evacuees sa iba’t ibang evacuation centers, kung saan pinakamarami ay mula sa bayan ng Basco na umabot ng mahigit 60 pamilya.

Bukod dito, may 63 turista kabilang ang ilang opisyal ng pamahalaan ang na-stranded sa Batanes. Inaasahang makakauwi rin ang mga ito kapag bumuti na ang lagay ng panahon at payagan na ang operasyon ng biyahe palabas ng probinsya.

Ayon kay Esdicul, dakong tanghali kahapon ay naramdaman ang matitinding bugso ng hangin na sinabayan ng malalakas na pag-ulan at malalaking alon sa dagat. Bunsod nito, ilang bahagi ng seawall sa baybayin, partikular sa may pantalan, ang nasira.

--Ads--

May mga napaulat din na ilang kabahayan ang natuklap ang bubong, subalit wala pang tiyak na datos dahil hindi nakalabas ang kanilang mga tauhan kagabi sanhi ng masamang panahon at paglubog ng araw.

Ngayong araw ay magsasagawa ng validation at beripikasyon ang PDRRMO kaugnay sa mga pinsalang naiulat, gayundin ang distribusyon ng family food packs para sa mga lumikas na residente.

Tiniyak ni Esdicul na sapat ang suplay ng relief goods dahil maagang nagpadala ang DSWD ng mga family food packs at non-food items bago pa man tumama ang bagyo.

Dagdag pa niya, mula pa noong nakaraang araw ay isinara ng NAPOCOR ang suplay ng kuryente bilang bahagi ng safety precaution. Sa ngayon, generator sets ang ginagamit nila bilang pansamantalang mapagkukunan ng kuryente.

May nakahanda rin silang Starlink internet connection upang matiyak ang tuloy-tuloy na komunikasyon at mabilis na pagpapasa ng ulat hinggil sa pinsala at sitwasyon sa probinsya.

Inaasahan din ni Esdicul na matinding pinsala sa agrikultura ang kanilang haharapin, dahil hindi pa nakakapag-ani ang karamihan sa mga magsasaka. Kabilang sa mga inaasahang matinding naapektuhan ang mga pananim na palay, mais, saging, at gulay, na pangunahing ikinabubuhay ng mga residente ng Batanes.