Nakilala na ang bangkay na natagpuan sa isang quarry site sa Lanna, Tabuk City nitong Miyerkules na isang 59-anyos na magsasakang naiulat na nawawala sa Bauko, Mountain Province.
Kinumpirma ng MDRRMO ng Mountain Province nitong Huwebes ng umaga, Setyembre 25, na ang walang buhay na lalaking natagpuan sa Tabuk City ay si Nicolas Laguiwed Ol-oling.
Si Ol-oling, 59 taong gulang, ay naiulat na nawawala matapos huling makita sa kanyang pastulan sa Sitio Loccong, Otucan Sur, Bauko umaga noong Setyembre 22, sa kasagsagan ng Super Typhoon Nando.
Batay sa impormasyon hindi na nakauwi si Ol-oling, agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad sa kahabaan ng Chico River sa mga lugar ng Otucan Sur sa Bauko, Lagan sa Sabangan, at Gonogon sa Bontoc.
Habang nagpapatuloy ang paghahanap, nakatanggap ng tawag ang mga awtoridad sa Tabuk City tungkol sa isang bangkay na nadiskubre sa isang quarry site sa Purok 2, Lanna, malapit sa isang bunton ng panggatong nitong Miyerkules ng hapon. Dahil dito, nagtungo sa Tabuk City ang pamilya ni Ol-oling kasama ang mga opisyal mula sa Mountain Province upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng bangkay at kinilala nga itong si Nicolas Laguiwed Ol-oling.











