--Ads--

Muling ni-reactivate sa lalawigan ng Isabela ang Advisory Council ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) upang palawakin ang koneksyon ng kapulisan sa komunidad at higit pang mapabuti ang pagtugon sa mga kriminalidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairman Ysmael Atienza Sr. ng Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF), sinabi niyang noong Setyembre 26 muling binuhay ang council na binubuo ng mga abogado, retiradong pulis, guro, at iba pa.

Ayon kay Atienza, ang Advisory Council ang mag-oobliga sa mga pulis na magsumite ng monthly accomplishment report. Kapag walang naipakitang ulat, nangangahulugan ito na hindi nagagampanan ng isang pulis ang kanyang tungkulin.

Bagaman may hinihinging accomplishment reports, nilinaw ni Atienza na hindi bibigyan ng quota ang mga kapulisan upang maiwasan ang sapilitang pag-aresto. Ang tanging layunin ay mahuli lamang ang mga tunay na kriminal.

--Ads--

Aniya pa, may pahintulot mula sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagbubuo ng council, at sang-ayon ito sa layunin ng IACTF.

Dagdag pa ni Chairman Atienza, ang mga kasong tulad ng nakawan, bomb threat, panggagahasa, bullying, at iba pang krimen ang nagtulak sa kanila na muling buhayin ang advisory council.

Sa kasalukuyan, nagagampanan na ng mga miyembro ng Advisory Council ang kanilang mga tungkulin.

Bilang halimbawa, binanggit ni Chairman Atienza ang mga insidente ng bullying. Aniya, sakaling may maitalang kaso ng ganitong uri, mas madali itong mapag-aaralan ng council lalo na’t binubuo ito ng mga eksperto gaya ng mga abogado, guro, at retiradong pulis.