Iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na hindi ang militar ang “gamot” para resolbahin ang problema ng korapsyon at ang mga maanomalyang flood control projects sa bansa.
Mariin niyang pinabulaanan ang umano’y planong kudeta o pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna ng mga kinahaharap na krisis ng bansa, partikular ang usapin ng korapsyon.
Binigyang-diin ng kalihim na ang tunay na solusyon ay tamang pamamahala, maayos na pagtugon sa mga isyung pang-imprastruktura, at panagutin ang mga sangkot sa katiwalian.
Ayon pa sa opisyal, na ang mga panawagang patalsikin ang Pangulo ay mula lamang sa iilang grupo.
Aniya, kung tunay na kagustuhan ito ng taumbayan, dapat idaan sa demokratikong proseso gaya ng referendum at hindi sa pakikialam ng militar.
Naniniwala si Teodoro na seryoso si Pangulong Marcos sa pagtugon sa mga suliraning kinahaharap ng Pilipinas.








