Sa botong 15 pabor, 3 tutol, at 2 abstain, inaprubahan ng Senado ang Senate Resolution No. 28 na humihiling sa International Criminal Court (ICC) na ilagay sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang konsiderasyon sa kanyang kalusugan at edad.
Ang resolusyon ay pinagtibay sa plenary session ng Senado ngayong Miyerkules, Oktubre 1, 2025, at isinulong nina Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Binanggit sa resolusyon na ang kahilingan ay nakabatay sa katandaan at lumalalang kalagayan ng kalusugan ng dating pangulo. Hinimok din nito ang ICC na magtalaga ng isang kwalipikadong doktor upang suriin ang kanyang kalusugan at alamin kung ang patuloy na pagkakakulong ay posibleng makasama pa sa kanyang kondisyon.
Ayon sa mga may-akda ng resolusyon, hindi nito nilalabag ang isinasagawang proseso ng hustisya sa ilalim ng ICC, kundi isang humanitarian appeal upang tiyaking isinasaalang-alang ang kalagayan ng isang matandang akusado habang ginugulong ang legal na proseso.
Wala pang opisyal na tugon mula sa ICC ukol sa kahilingang ito ng Senado.









