Anim na spillway gate na may kabuuang 12 metrong opening ang binuksan ng National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) bunsod ng bahagyang pagtaas ng tubig sa Magat Dam dulot ng pag-ulan na dala ng Bagyong Paolo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niyang simula pa kagabi ay naitala na ang water elevation ng Magat Dam sa 185.26 masl.
Sa kasalukuyan, ang inflow ng tubig sa dam ay nasa 2386.07 cms, habang ang total outflow ay 2082.89 cms.
Bukas pa rin ngayon ang anim na spillway gates ng dam na may kabuuang 12 metrong opening. Ang pagbubukas ng karagdagang mga radial gate ay bunsod ng unti-unting pagtaas ng water elevation ng dam dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan na dala ng bagyo.
Ayon kay Engr. Ablan, layunin ngayon ng NIA-MARIIS na maibaba ang antas ng tubig sa dam sa 182 meters above sea level bilang bahagi ng kanilang preemptive release protocol.
Sa ngayon, wala pang tiyak na panahon kung hanggang kailan magpapatuloy ang pagpapalabas ng tubig mula sa Magat Dam dahil ito ay nakadepende sa dami ng pag-ulan na maitatala sa Magat Watershed.











