Nilinaw ng Luna Police Station na self-accident at hindi hit-and-run ang nangyaring aksidente sa Harana, Luna, Isabela nitong gabi ng Biyernes, ika-3 ng Oktubre na ikinasawi ng 3 estudyante na lulan ng motorsiklo.
Ito ay taliwas sa ilang kumakalat na impormasyon sa social media na hit-and-run umano ang nangyaring insidente na kinasangkutan ng tatlong mag-aaral na pawang residente ng Mambabanga, Luna, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Jonathan Ramos, Hepe ng Luna Police Station, sinabi nito na batay sa inisyal nilang pagsisiyasat, lumalabas na ‘accidental in nature’ o nagsarili ang mga biktima dahil ang point of impact na pinagsalpukan ng mga biktima ang siyang nagdulot ng matinding injury sa kanilang ulo na naging sanhi ng kanilang pagkasawi.
Nang matukoy aniya nila ang truck na kasabay ng mga biktimang bumagtas sa National highway ay agad nila itong ipinatawag sa himpilan ng Pulisya upang suriin subalit wala silang nakitang damage dito na isang senyales na hindi ito nagkaroon ng contact sa motorsiklo ng mga biktima.
Batay na rin aniya sa salaysay ng Driver ng truck, nag-overtake umano sa kanang bahagi nito ang mga biktima subalit hindi nila napansin ang naipong tubig-ulan sa kalsada na naging dahilan upang sila’y madulas o mawalan ng kontrol.
Gayunman, makikipag-ugnayan pa rin sila sa isang establishimento na malapit sa pinangyarihan ng insidente upang humingi ng kopya ng CCTV Footage upang mas maging malinaw ang pangyayari alang-alang na rin sa kaanak ng mga biktima.
Samantala, inihayag naman ng driver ng truck na si Fernando Fragata na dahil sa takot ay hindi na nito hinintuan ang mga biktima at hindi na rin nakatawag sa himpilan ng Pulisya.
Giit niya, may kahabulang isa pang motorsiklo ang mga biktima subalit tanging ang motorsiklo ng mga ito ang hindi nakaiwas sa naipong tubig-ulan sa kalsada.
Nang mawalan ng kontrol ay nagpaikot-ikot umano ang motorsiklo ng mga ito kaya nag-preno si Fragata upang hindi nito mahagip ang mga biktima at ilang sandali pa ay umalis na siya sa pinangayarihan ng insidente.
Nang makatanggap siya ng tawag mula sa mga Pulis ay agad siyang nagtungo sa Himpilan ng Pulisya upang ipaliwanang ang nangyari at batay na rin sa pagsusuri ng mga Pulis sa kaniyang truck ay wala silang nakitang anumang pinsala rito.
Iginiit niya na wala siyang kinalaman sa insidente at malinis ang kaniyang konsensiya.
Samantala, desidido naman ang kaanak ng mga biktima na makita ang CCTV Footage sa lugar upang matukoy kung ano nga ba talaga ang sanhi ng nangyaring aksidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Danny Galabay, Tito ng mga biktima, sinabi niya na hindi nito maiwasang maghinala na maaaring nahagip ng truck ang kinalululanang motorsiklo ng kaniyang mga pamangkin lalo na at sinasabi umano ng ilan na mayroong dumaang truck noong ma-aksidente ang mga biktima.
Gayunman, kung sakaling mapatunayan na self-imposed accident ang nagyari ay handa naman silang tanggapin ang katotohanan.











