Planong magsagawa ng pagdinig ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan upang siyasatin ang pagbagsak ng Piggatan Bridge sa bayan ng Alcala, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cagayan Vice Governor Manuel Mamba, sinabi niya na kapabayaan ito sa hanay ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil kung regular lamang ang kanilang inspeksiyon sa mga tulay ay nakita na dapat nila na posible itong bumigay.
Aniya, mahalagang matiyak din na masuri ang iba pang mga tulay sa naturang lugar pangunahin na sa nasasakupan ng Maharlika Highway upang maiwasang maulit ang ganitong insidente lalo na at magkakaparehong steel bridges ang mga ito.
Ayon sa Bise Gobernador, malaki ang epekto ng pagkasira ng tulay sa mga residente sapagkat ito ay nasa bahagi ng pambansang lansangan kaya kinakailangan pang dumaan sa mga alternatibong ruta ang mga motorista.
Nakipag-ugnayan na rin siya sa mga law-enforcement agencies na paigtingin ang seguridad sa mga alternatibong ruta upang matiyak ang kaligtasan ng mga residenteng bumabaybay rito.











