--Ads--

Planong magsagawa ng kilos-protesta ang ilang grupo ng mga magsasaka upang kalampagin ang umano’y kawalang aksyon ng Pamahalaan sa kanilang kahilingan na taasan ang taripa ng imported na bigas.

Kung matatandaan, naghain kamakailan ang Federation of Free Farmers ng petisyon sa kagawaran ng pagsasaka na nagpapanawagang itaas ang tariff rate sa hindi bababa sa 35% upang mapataas ang presyo ng palay sa bansa at ma-proteksyunan ang mga magsasaka.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Chairman of the Board Leonardo Montemayor ng Federation of Free Farmers, ikinalulungkot nito na hanggang ngayon ay wala pang tugon ang kalihim ng kagawaran sa kanilang panawagan.

Dahil dito ay plano nilang magsagawa ng pagkilos sa harapan mismo ng tanggapan ng Department of Agriculture Central Office at sa ilang lugar sa bansa.

--Ads--

Wala pa namang eksasktong petsa kung kailan subalit tiniyak ni Montemayor na ito ay isasagawa sa lalong madaling panahon.

Kailangan aniya ng agarang pagkilos mula sa pamahalaan lalo at malapit nang matapos ang anihan.

Aniya, kung maraming magsasaka ang malugi dahil sa mababang presyo ay may posibilidad na marami sa mga ito ang titigil na sa pagtatanim ng palay na magdudulot ng kakulangan ng suplay ng bigas sa bansa.