--Ads--

Natuklasan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kabuuang 421 bagong “ghost” flood control projects mula sa 8,000 proyekto na kanilang inimbestigahan sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Sa isang press briefing nitong Huwebes, Oktubre 9, sinabi ni DPWH Secretary Vince Dizon na ang mga proyektong ito ay opisyal na kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of National Defense (DND), at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) bilang mga non-existent o hindi aktwal na naisagawa.

Ayon sa ulat, ang mga ghost projects ay natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao, kung saan may malaking konsentrasyon sa rehiyon ng Luzon.

--Ads--

Nilinaw ni Dizon na ito ay paunang datos pa lamang at nasa humigit-kumulang 100,000 proyekto pa ang nakatakdang i-validate sa buong bansa.

Bagamat malawak ang saklaw ng imbestigasyon, sinabi ng kalihim na mas madali umanong mapanagot ang mga sangkot dahil wala namang aktwal na proyektong isinagawa sa mga kasong ito.

Sinabi naman ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Executive Director Brian Hosaka na ang bagong impormasyon ay nagbibigay daan upang mas mailatag ang mas malinaw na direksyon para sa kanilang mandato.

Inaasahang personal na sisilipin ni ICI adviser at dating PNP chief Rodolfo Azurin ang mga naturang proyekto bilang bahagi ng mas masusing pagbusisi sa mga anomalya.

Unang nabanggit ang isyu ng ghost flood control projects sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Hulyo. Mismo ang Pangulo ang bumisita sa ilang mga lugar kung saan sinasabing mayroong mga hindi natapos o hindi talaga isinagawang proyekto.

Ang isyung ito ay nagbunsod ng magkakahiwalay na imbestigasyon sa Kongreso, na kalauna’y nagbunyag ng isang kickback scheme sa lalawigan.

Ilan sa mga pinangalanang sangkot sa naturang scheme ay ilang opisyal ng DPWH at ilang mga mambabatas.