Pormal nang tinanggap ng mga konseho ng Lalawigan ng Isabela ang Isabela PLEDS Cluster Resolution na nagrerekomenda ng deklarasyon sa lalawigan bilang Insurgency-Free at nasa State of Stable Internal Peace.
Ito ay inirekomenda sa isinagawang 3rd Quarter Joint Meeting ng Provincial Development Council (PDC), Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC), at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) kahapon, Oktubre 9, 2025, sa Capitol Amphitheater.
Pinamunuan ni Vice Governor Francis Faustino “Kiko” Dy ang pagpupulong na binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya at ang tuloy-tuloy na aksyon upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at pag-unlad ng lalawigan.
Sa nasabing pulong, inaprubahan din ng mga konseho ang Local Development Investment Program (LDIP) para sa Fiscal Years 2026–2028, na magsisilbing gabay sa pagtukoy at pagpapatupad ng mga prayoridad na programa at proyekto ng lalawigan sa susunod na tatlong taon.
Ibinahagi rin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pinakabagong update hinggil sa Barangay Drug Clearing Program (BDCP).
Mula sa kabuuang 1,018 barangay ng Isabela (hindi kabilang ang Santiago City), 284 ang idineklarang Drug-Free, habang 734 naman ang Drug-Cleared. Dahil dito, itinuturing na zero drug-affected barangays na ang buong lalawigan.
Iminungkahi ng PDEA ang pagpapatuloy ng mga operasyon laban sa ilegal na droga, lalo na ang pagtutok sa High-Value Targets (HVTs).
Pinayuhan din ang mga Local Government Units (LGUs) na ipagpatuloy ang aplikasyon para sa opisyal na drug-cleared status, alinsunod sa mga itinakdang alituntunin ng BDCP.











