--Ads--

Nauwi sa trahedya ang pagdiriwang ng kaarawan ng isang bata matapos masawi ang mag-ama sa isang aksidente sa kalsada sa Sitio Crossing Kahoy, Barangay Lamcaliaf, Polomolok, South Cotabato.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi na sina Michael Calaya, 38-anyos, at ang anak nitong si “Boknoy”, 15-anyos. Sugatan naman ang asawa ni Michael na si Neneng Otic. Lahat sila ay mga residente ng Sitio Lemblisong, Barangay Kablon, Tupi, South Cotabato.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nawalan umano ng preno ang isang truck na may kargang pinya, dahilan upang masagasaan nito ang sinasakyang motorsiklo ng pamilya Calaya.

Ayon sa ulat, galing umano sa bayan ng Polomolok ang pamilya upang bumili ng cake para sa kaarawan ng kanilang bunsong anak. Sa kanilang pag-uwi, doon na naganap ang malagim na aksidente.

--Ads--

Kuwento ng ilang saksi, tumabi na umano sa gilid ng kalsada ang motorsiklo nang mapansin ang paparating na truck, ngunit biglang doon din dumiretso ang trak na nawalan ng preno at inararo ang mga biktima.

Agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang tatlo, subalit idineklara nang dead on arrival sina Michael at Boknoy. Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa ospital si Otic.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang mga detalye ng aksidente at kung may pananagutan ang tsuper ng naturang truck.