Kasalukuyang isinasagawa ng Isabela School of Arts and Trades (ISAT) sa ilalim ng pamamahala ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kanilang mga short-term programs na layuning mapalawak ang kasanayan at oportunidad sa trabaho ng mga Isabeleño.
Ayon kay Superintendent Ma. Elena Narciso ng ISAT-TESDA, patuloy na bukas ang iba’t ibang regular programs ng institusyon tulad ng Driving NC II at Bread and Pastry Production NC II. May dalawang batch na kasalukuyang sumasailalim sa pagsasanay, ngunit may isa pang batch na nangangailangan pa ng karagdagang enrollees.
Bukod dito, inanunsyo rin ni Narciso na bubuksan ng ISAT-TESDA ang mga kurso sa Masonry NC I at Shielded Metal Arc Welding (SMAW) NC II na isasagawa sa loob ng Isabela Provincial Jail. Ang mga programang ito ay bahagi ng scholarship program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela, na layuning bigyan ng panibagong pagkakataon ang mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na makakuha ng kasanayan para sa kanilang muling paglabas sa bilangguan.
Batay sa monitoring ng ISAT-TESDA, mataas ang employment rate ng mga nagtapos sa kanilang mga programa, na patunay ng epektibong pagsasanay at kalidad ng pagtuturo sa institusyon. Marami sa mga graduates ang nakapasok sa lokal na industriya at iba pang negosyo sa labas ng lalawigan maging sa ibang bansa.
Hinimok naman ni Superintendent Narciso ang publiko, lalo na ang mga kabataang naghahanap ng oportunidad sa trabaho o nais mag-level up ng kanilang skills, na mag-enroll sa mga available na kurso ng ISAT-TESDA sa Barangay Calamagui 2nd, City of Ilagan, Isabela.
Tiniyak din niya na patuloy na magbubukas ang ISAT-TESDA ng iba’t ibang programa sa ilalim ng TESDA upang matugunan ang pangangailangan ng lokal at pambansang labor market.











