Tatlong indibidwal ang kumpirmadong nasawi matapos mahulog ang isang Elf truck sa Chico River kasunod ng salpukan ng tatlong sasakyan bandang alas-6 ng umaga sa Sitio Gawa, Barangay Rocucan, Bontoc, Mountain Province, ayon sa Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Ayon sa ulat ng MDRRMO operations center, nabangga ng Elf truck ang isang Fiera at isang mini-dump truck habang binabaybay ang isang kurbadang bahagi ng kalsada sa mabundok na lugar ng Gawa.
Dahil sa tindi ng banggaan, nawalan ng kontrol ang Elf truck at nahulog sa bangin na tinatayang 100 metro ang lalim, bago tuluyang bumagsak sa Chico River.
Narekober ng mga rescuer ang tatlong bangkay mula sa nawasak na truck na pawang mga mangagawa mula sa Balintugan Construction na patungo sana sa kanilang proyekto sa Kuro-Kuro, Sadanga nang mangyari ang insidente.
Patuloy namang nagsasagawa ng search operations ang mga rescuer para sa dalawa pang nawawala matapos ang aksidente.











