Mahigpit nang ipinapatupad ng City Government of Santiago ang load limit sa Calao Bridge.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay DPOS Chief Modesto Cabaños III, sinabi niya na nakapaglagay na ng vertical clearance ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nasabing tulay.
Sa kasalukuyan, ipinagbabawal na ang pagdaan ng mga truck o malalaking sasakyan na may bigat na higit sa 7 tons sa Calao Bridge.
Ayon kay Cabaños, mahigpit nilang binabantayan ang daloy ng trapiko sa lugar dahil may ilan pa ring malalaking sasakyan na naliligaw o hindi pamilyar sa diversion road ng lungsod.
Aniya, ang mga naliligaw na truck ay kanilang inaalalayan upang maibalik sa tamang daan patungo sa diversion road.
Muli ring binigyang-diin ni Cabaños na ang ipinatutupad na load limit ay para sa kaligtasan ng publiko, dahil ang tulay ay may katandaan na at itinayo pa noong dekada 70.











