Isinagawa ang Regional Cooperative Month Celebration 2025 sa FL Dy Memorial Coliseum Cauayan City na dinaluhan ng mahigit 1,500 delegado mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Lambak ng Cagayan.
Ang aktibidad ay may temang “Cooperatives: United in Purpose and Action, Sharing Prosperity to Build a Better World,” na naglalayong ipakita ang mahalagang papel ng kooperatiba sa pagpapalakas ng kabuhayan, paglikha ng mga oportunidad sa trabaho, at pagpapatibay ng sama-samang pagkilos tungo sa pag-unlad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sylvia Domingo, City Cooperative Officer, sinabi niya na ang taunang aktibidad ay nagsisilbing regional culminating activity na nagbibigay-pugay sa mga natatanging kooperatiba na nagpapakita ng kahusayan sa pamamahala, kontribusyon sa lokal na ekonomiya, at aktibong paghubog ng mga programang pangkomunidad.
Pinangunahan naman ng Provincial Cooperative, Livelihood, and Enterprise Development Office (PCLEDO) ang taunang pagtitipon na layuning kilalanin at parangalan ang mga natatanging kooperatibang nagsilbing haligi ng kaunlaran sa rehiyon.
Isa sa mga tampok sa selebrasyon ang 26th Governor Faustino N. Dy Sr. Awards, kung saan ginawaran ng pagkilala ang mga modelong kooperatiba na nagpakita ng katatagan, disiplina, at tunay na diwa ng bayanihan sa larangan ng kooperatibismo.
Ayon sa pagpapahayag ni Justice E. Angobung, ang Provincial Cooperative, Livelihood, and Enterprise Development Officer, ang temang “United in Purpose and Action” ay nagsisilbing paalala sa lahat ng kooperatiba na ang tagumpay ay nagmumula sa pagkakaisa at pagkilos tungo sa iisang layunin.
Bukod sa pagkilala, tampok din sa programa ang mga benta na mga produkto na nagpakita ng mga produktong gawa ng mga lokal na kooperatiba.
Layunin nitong maipakita ang kontribusyon ng kooperatibismo hindi lamang sa ekonomiya kundi pati na rin sa pagkamit ng inklusibong pag-unlad sa rehiyon.
Tiniyak ng mga lider ng kooperatiba na patuloy nilang palalakasin ang ugnayan at pagtutulungan upang maisulong ang adbokasiya ng pagkakaisa at kabuhayang makatao, isang patunay na buhay at matatag ang diwa ng kooperatibismo sa Lambak ng Cagayan.





