Bagama’t hindi direktang tinamaan ng mas mataas na taripa ng Estados Unidos ang mga aklat, naramdaman pa rin ng industriya ang epekto nito sa pamamagitan ng mas mataas na shipping cost, mahinang palitan ng pera, at pagkaantala ng shipment.
Ayon sa Booksale Philippines, isa sa pinakamalaking tindahan ng murang libro sa bansa, napilitan silang maglunsad ng month-long sale nitong Oktubre kung saan ibinenta ang mahigit 10,000 libro sa halagang P5 bawat isa upang mapabilis ang pag-ikot ng stock at mapanatili ang cash flow.
Sinabi ni Joshua Emmanuel Sison, presidente ng Visual Mix Inc. na nagpapatakbo ng Booksale, na hindi nila agad maitaas ang presyo dahil maaaring bumaba ang demand. Patuloy din silang nakikipagnegosasyon sa mga supplier sa U.S. at U.K. at pinalalakas ang online sales upang mapanatili ang operasyon.
Dagdag pa rito, nakikipagtulungan ang Booksale sa ibang mga brand upang mahikayat ang kabataan na magbasa ng mga printed books sa gitna ng panahon ng digital media.











