Umakyat ng limang puwesto ang Pilipinas sa 2025 World Digital Competitiveness Ranking (WDCR) ng International Institute for Management Development (IMD) World Competitiveness Center, mula ika-61 noong nakaraang taon tungo sa ika-56 ngayong taon sa 69 ekonomiya na kasali.
Nakakuha ang bansa ng score na 50.87, mas mataas kaysa sa 45.18 noong 2024. Sinusukat ng ulat ang kakayahan at kahandaan ng mga ekonomiya na gamitin ang digital technologies para sa pagbabago sa negosyo, pamahalaan, at lipunan.
Sa tatlong pangunahing aspeto ng pagsusuri—knowledge, technology, at future readiness—bumaba ang Pilipinas sa knowledge (ika-65 mula ika-64), bahagyang umangat sa technology (ika-54 mula ika-56), at malaki ang itinaas sa future readiness (ika-52 mula ika-58).
Binanggit ng IMD na malakas ang bansa sa flexibility, adaptability, at public-private partnerships, ngunit kailangang paigtingin ang cybersecurity capacity ng gobyerno.
Sa Southeast Asia, nasa likod pa rin ang Pilipinas kumpara sa Singapore (3rd), Malaysia (34th), Thailand (38th), at Indonesia (51st). Nanguna sa listahan ang Switzerland, sinundan ng United States at Singapore.
Ayon kay IMD WCC Director Arturo Bris, ang trade fragmentation at geopolitical instability ay nakaaapekto sa digital competitiveness, lalo na sa talent mobility at regulatory clarity, na mahalagang salik sa pagpapaunlad ng digital infrastructure.









