--Ads--

Hindi gaanong maaapektuhan ang Pilipinas sa hakbang ng Estados Unidos na pagpataw ng mas mataas na taripa sa mga produktong nagmumula sa ibang mga bansa.  

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Executive Director Jose Enrique “Sonny” Africa ng IBON Foundation, sinabi niya na sa ngayon ay mayroong $13 Billion na export ang Pilipinas sa US ngunit mahigit $11 Billion dito ay hindi naman gawa ng mga Pilipino kundi ng mga dayuhan na namumuhunan sa bansa.

Kung mayroon man aniyang lubos na maaapektuhan, ito ay ang mga dayuhang mangangalakal at hindi ang mga Pilipino.

Giit nito na walang kontrol ang Pilipinas sa ginawa ng ibang mga bansa kaya kinakailangan na palakasin ng bansa ang ekonomiya nito sa pamamagitan ng pagpapataas ng lokal na industriya at agrikultura at huwag lamang basta umasa sa pag-export sa ibang bansa.

--Ads--

Maisasakatuparan lamang aniya ito kung bibigyan ng pamahalaan ng sapat na suporta ang lokal na Industriya upang umunlad at mas mapalakas ito.

Pwede din naman aniyang magpataw ng taripa ang Pilipinas sa mga pumapasok na produkto sa bansa ngunit kinakailangan aniyang maging matalino sa pagpapataw nito.

Kailangan aniyang tignan kung anong mga produkto ang kayang I-produce ng mga Pilipino at ang mga kaparehong produkto na mula sa ibang bansa ang patawan ng taripa upang bigyan ng proteksyon ang mga lokal na produkto.