Sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., hinikayat ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang mga lokal na pamahalaan o LGUs ng agarang preemptive o mandatory evacuation sa mga komunidad na mataas ang panganib bago sumapit ang Linggo, Nobyembre 9, habang patuloy na lumalakas at lumalapit sa Philippine Area of Responsibility o PAR ang Tropical Storm Fung-Wong.
Ang direktiba ay kasunod ng isang situation briefing na pinangunahan mismo ng Pangulo ngayong umaga.
Inatasan nito ang mga pambansa at lokal na ahensya na paigtingin ang paghahanda at tiyakin ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng paparating na bagyo.
Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA ng umaga, huling namataan ang Bagyong Fung-Wong sa layong 1,690 kilometro silangan ng Hilagang-Silangang Mindanao, taglay ang lakas ng hangin na 75 km/h at bugso na umaabot sa 90 km/h.
Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h at inaasahang papasok sa PAR sa pagitan ng Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga, kung saan bibigyan ito ng lokal na pangalang “Uwan.”
Maaaring lumakas ito bilang Typhoon pagsapit ng Biyernes at posibleng maging Super Typhoon sa Sabado, na may posibilidad ng pag-landfall sa Northern o Central Luzon sa Lunes, Nobyembre 10.
Ayon sa DILG, hindi dapat hintayin ng mga LGU na lumala ang sitwasyon bago kumilos.
Nanawagan sila sa lahat ng local chief executives na kumpletuhin na ang paglikas ng mga residente sa mga high-risk areas hindi lalampas ng Linggo.
Pinatitiyak din ng DILG na handa ang mga evacuation center, may sapat na suplay ng pagkain, tubig, at mapagkukunan ng kuryente, pati maayos na pamamahala sa mga evacuee.
Kailangan din ang tuloy-tuloy na koordinasyon sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils o RDRRMCs at ang real-time na pagbibigay ng impormasyon sa publiko, lalo na sa mga lugar na madalas bahain o mga landslide prone area at storm surge.
Nagbabala naman ang PAGASA na mararanasan ang paglala ng panahon sa silangang bahagi ng Luzon pagsapit ng Linggo, habang inaasahan ang matitinding kondisyon sa Northern at Central Luzon sa Lunes at Martes.










