Patuloy na lumalakas ang Bagyong Uwan habang ito ay kumikilos sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 985 kilometro silangan ng Eastern Visayas, taglay ang lakas ng hanging umaabot sa 130 kilometro bawat oras (km/h) malapit sa gitna, at bugso ng hangin na umaabot sa 160 km/h.
Kumikilos ito pakanluran-hilagang kanluran (west northwest) sa bilis na 25 km/h.
Signal No. 2
Luzon: Catanduanes
Visayas: Silangan at gitnang bahagi ng Northern Samar, hilagang-silangang bahagi ng Samar, at hilagang bahagi ng Eastern Samar
Signal No. 1:
Luzon: Cagayan (kasama ang Babuyan Islands), Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Zambales, Bataan, Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon (kasama ang Polillo Islands), Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate (kasama ang Ticao at Burias Islands), Marinduque, Romblon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro (kasama ang Lubang Islands), at Calamian Islands
Visayas:
Natitirang bahagi ng Northern Samar, Samar, at Eastern Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, hilagang-silangang bahagi ng Bohol, hilaga at gitnang bahagi ng Cebu (kasama ang Bantayan at Camotes Islands), hilagang bahagi ng Negros Occidental, hilaga at gitnang bahagi ng Iloilo, Capiz, Aklan, at hilaga at gitnang bahagi ng Antique (kasama ang Caluya Islands)
Ngayong araw, maulang panahon ang inaasahan sa silangang bahagi ng bansa, habang maulap na papawirin na may mga pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan dahil sa epekto ng Bagyong Uwan.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magla-landfall ang bagyo sa pagitan ng timog na bahagi ng Isabela at hilagang bahagi ng Aurora bukas ng gabi o madaling araw ng Lunes.
Habang nananatili pa ito sa karagatan, posible pang lumakas si Uwan at umabot sa Super Typhoon category mamayang gabi o bukas ng umaga.
Dahil sa mga malalakas na pag-ulan at hangin na dala ng bagyo, pinag-iingat ng mga awtoridad ang lahat ng residente sa mga mababang lugar at bulubunduking bahagi laban sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na madalas tamaan ng ganitong mga sakuna.











