Nagbabala ang mga awtoridad na posibleng maapektuhan ng malakas na bagyong ‘Uwan’ ang hanggang 8.4 milyong katao sa ilang rehiyon ng bansa, na may posibilidad pang maging “Super Typhoon” bago ito tumama sa kalupaan.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), batay sa kanilang predictive analytics, kabilang sa mga rehiyong posibleng maapektuhan ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region (CAR), CALABARZON, at Bicol Region.
Bagaman nakasentro ang epekto sa hilagang bahagi ng bansa, maaaring maramdaman din ang ulan at sirkulasyon ng bagyo hanggang Western Visayas, Negros Island, Central Visayas, at Eastern Visayas, na kamakailan lamang ay tinamaan ng bagyong ‘Tino’.
Tinatayang 5.7 milyong residente sa mga komunidad malapit sa baybayin at 466,000 pamilya sa mga hazard area, partikular sa CAR, Ilocos Region, at Cagayan Valley, ang posibleng maapektuhan ni ‘Uwan’.
May lawak na 700 kilometrong radius ang bagyo, na maaaring magdulot ng matinding pag-ulan at mapaminsalang hangin sa malawak na bahagi ng bansa.
Tinatayang aabot sa 1,400 kilometro ang kabuuang diametro ng bagyo, na posibleng makaapekto sa mga lugar mula Batanes hanggang Bohol.
Batay sa datos ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), mahigit 8,000 barangay ang nanganganib sa pagguho ng lupa at baha dulot ng inaasahang malakas na ulan.
Bilang paghahanda, nanawagan ang DSWD at DENR sa mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng pre-emptive at forced evacuations hanggang Linggo, lalo na sa mga komunidad na madaling bahain at gumuho ang lupa.











