Naglabas ng paalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 2 na iwasan muna ang mga hindi importanteng biyahe sa pampublikong transportasyon habang dahil sa banta ng Bagyong Uwan.
Epektibo mula alas-12:00 ng madaling-araw ng Nobyembre 8, 2025 at hanggang sa susunod na abiso, mariing pinapayuhan ng LTFRB Region 2 ang mga biyahero na huwag munang bumiyahe papunta, palabas, o dadaan sa Rehiyon 2, lalo na sa mga rutang patungo sa Metro Manila, Olongapo, Dagupan, Baguio, Abra, Vigan, at Laoag.
Pinag-iingat din ang mga motorista at operator sa mga delikadong kalsada tulad ng Maharlika Highway–Sta. Fe, Kayapa–Baguio Road, Malico Highway, at Brgy. Balaoi, Pagudpud, Ilocos Norte, dahil sa posibilidad ng malakas na ulan, matinding hangin, at pagguho ng lupa.
Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang mga aksidente, pagsisikip ng kalsada, at pagkaantala ng biyahe habang nananalasa ang masamang panahon.
Hinimok ng LTFRB Region 2 ang publiko na maghintay ng karagdagang abiso mula sa kanilang tanggapan at iba pang kaukulang ahensya ng pamahalaan.











