Inihayag ng Department of Agriculture (DA) Region 2 na ang pangunahing panganib na dulot ng paparating na Bagyong Uwan ay ang pinsala sa mga high value crops at natitirang palay na hindi pa naaani sa timog bahagi ng Rehiyon II.
Ayon kay Dr. Rose Mary Aquino, Regional Director ng DA Region 2, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, ang mga lalawigan ng Quirino, Nueva Vizcaya, at Isabela ang inaasahang pinaka-maapektuhan base sa forecast ng PAGASA.
Aniya, pinakamatinding maapektuhan ang mga high value crops dahil kasalukuyang nasa peak season ang produksyon. Sa kasalukuyan, tinatayang may mahigit 81,000 standing high value crops tulad ng mga gulay sa Nueva Vizcaya at Quirino na posibleng masira.
Sa bahagi naman ng Quirino at Isabela, ang saging ang inaasahang pangunahing mabibiktima ng bagyo. Samantala, sa Isabela, may tinatayang 7,421 ektarya ng palay na nasa maturity at reproductive stage, na mahirap nang ma-recover kung matutumba ng malakas na hangin o malulubog sa baha.
Sa Nueva Vizcaya, mayroong 4,780 ektarya ng standing rice crops, na patuloy na tinatanim ng mga magsasaka dahil sa sapat na suplay ng patubig.
Ang DA ay nagbigay ng payo sa mga magsasaka na anihin na ang mga pananim nang maaga upang maiwasan ang malaking pinsala na dala ng malakas na hangin at pagbaha.
Dagdag pa ng DA, bukod sa agarang pag-aani, hinihikayat nila ang mga magsasaka na siguraduhing ligtas ang kanilang kagamitan at maghanda para sa posibleng baha sa mga low-lying areas.











