Inanunsyo ng Malacañang ang suspensyon ng trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan sa ilang rehiyon ngayong Lunes, Nobyembre 10, at ang kanselasyon ng klase hanggang Martes, Nobyembre 11, habang patuloy na nananalasa ang Super Typhoon ‘Uwan’ sa ilang bahagi ng bansa.
Sa Memorandum Circular na inilabas ng Office of the President at nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, sinuspinde ang trabaho sa mga ahensya ng pamahalaan sa mga sumusunod na rehiyon dahil sa malalaking epekto ng bagyo:
- National Capital Region
- Cordillera Administrative Region
- Region I (Ilocos Region)
- Region II (Cagayan Valley)
- Region III (Central Luzon)
- Region IV-A (CALABARZON)
- Region IV-B (MIMAROPA)
- Region V (Bicol Region)
- Region VIII (Eastern Visayas)
Kasabay nito, sinuspinde rin ang mga klase sa lahat ng antas sa mga nasabing rehiyon, pati na rin sa Region VI (Western Visayas), Region VII (Central Visayas), at Negros Island Region mula ngayong araw, Lunes hanggang Martes, Nobyembre 11.
Ayon sa memorandum, mananatiling bukas at operational ang mga ahensyang may kinalaman sa pangunahing serbisyo, kalusugan, at mga tungkulin sa paghahanda at pagtugon sa mga sakuna.
Binanggit din ni Bersamin na maaaring magpatupad ng lokal na suspensyon ng klase o trabaho sa mga rehiyon na hindi sakop ng naturang kautusan, alinsunod sa umiiral na mga batas, tuntunin, at regulasyon.
Samantala, nagpalabas din ng abiso ang Kamara de Representantes na kanselado ang trabaho at plenary session nito ngayong araw, Nobyembre 10 dahil sa masamang panahon na dulot ng Super Typhoon ‘Uwan’.










