Balik-operasyon na ang mga bangka ngayong araw, Noyembre 12 sa may Alicaocao Overflow Bridge sa lungsod ng Cauayan matapos ang ilang araw na pagtigil bunsod ng pagtaas ng lebel ng tubig dulot ng Bagyong “Uwan.” Gayunman, isa naman sa mga kinakaharap na suliranin ngayon ng mga residente ay ang makapal na putik na naiwan sa lugar.
Ayon sa mga residente, umaabot hanggang tuhod ang kapal ng putik na kanilang dinaraanan upang makatawid. Mabuti na lamang at may mga nakatira malapit sa ilog na nag-aalok ng tubig upang mapaghugasan ng mga dumaraan dito.
Sa kabila ng kalagayan, ilang mga trabahador ang sumuong sa makapal na putik upang makapasok sa trabaho, habang ang mga estudyante naman ay binubuhat ng mga rescuer upang hindi marumihan ang kanilang mga kasuotan.
Isa sa mga ipinatutupad na hakbang ng mga opisyal sa lugar ay ang pagbabawal muna sa mga single motorcycle na tumawid sa overflow bridge dahil sa kapal ng putik at dulas ng daan.
Ayon sa mga awtoridad, tatlong bangka lamang ang nagsasalit-salitan sa operasyon sa ngayon, na mahigpit namang minomonitor ng mga opisyal ng barangay upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Nanawagan ang mga residente sa kinauukulang ahensiya na agad gumawa ng paraan upang maayos ang sitwasyon bago pa tumigas ang putik, dahil anila, mas mahirap itong linisin kapag natuyo na.
Samantala, patuloy naman ang mga opisyal ng barangay sa pagtanggal ng mga punong-kahoy na natumba at nakahambala sa daanan. Gayunman, nahihirapan silang alisin ang mga malalaking puno na bumara sa lugar.
Nagtungo rin sa nasabing lugar ang hanay ng Rescue 922 at barangay responders upang masuri ang kalagayan ng mga mamamayan at masiguro ang kanilang kaligtasan sa gitna ng nararanasang suliranin matapos ang pananalasa ng bagyo.











