Pormal nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at ng Bombo Radyo Philippines kaugnay ng nalalapit na bloodletting activity na “Dugong Bombo 2025: A Little Pain, A Life to Gain”, na gaganapin sa darating na Sabado, Nobyembre 15, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCol. Lee Allen B. Bauding, Provincial Director ng IPPO, tiniyak niya na ang kanilang hanay ay patuloy na magiging katuwang sa pagtulong sa mga mamamayan, may MOA man o wala, lalo na sa mga aktibidad na naglalayong magligtas ng buhay sa lalawigan ng Isabela.
Aniya pa, bukod sa pakikipagtulungan sa Bombo Radyo Cauayan, nakikipag-ugnayan din ang IPPO sa iba’t ibang non-government organizations at civic groups upang hikayatin ang kanilang mga personnel na makibahagi sa mga bloodletting activities, bilang bahagi ng kanilang adbokasiya na magbigay ng agarang tulong sa komunidad at magsagawa ng lifesaving initiatives.
Inaasahan na sa darating na aktibidad, makakalikom ng maraming blood units na agad magagamit sa mga pasyente at ospital sa lalawigan, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang dugo. Binibigyang-diin ng IPPO ang kahalagahan ng pakikilahok ng bawat isa sa ganitong uri ng community service na nagtataguyod ng kabutihan at kaligtasan ng buhay.











