Pinag-aaralan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan ang pagpapatayo ng mga strategic sub-stations upang mas mapaigting at mapabilis ang pagbibigay-serbisyo sa publiko.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay City Fire Marshal FCInsp. Francis Barcellano, sinabi niya na noong Enero pa lamang ng 2025 ay inilunsad nila ang Fire Safety Inspection System o FSIS.
Aniya, ito ay isang sistema na ginagamit nila sa pagbibigay ng clearance sa mga nagnanais kumuha ng building permit.
Layunin ng FSIS na gawing online ang application at renewal ng permit mula sa BFP, ngunit dahil bago pa lamang ito, nagkaroon ng mga problema o pagbagal sa proseso, lalo na sa pagpapasa ng online application.
Sa ngayon, sinisikap ng BFP Cauayan na mabawasan ang mga isyu sa FSIS kaya nakipag-ugnayan na sila sa BPLO upang talakayin ang mga hakbang na gagawin para mapagaan ang pagkuha ng permit at maiwasan ang reklamo mula sa mga business owners.
Maliban dito, naidulog na rin nila kay Mayor Jaycee Dy ang pagpapatayo ng sub-station na magbibigay sa kanila ng mas malawak na access, lalo na’t ang kasalukuyang lokasyon ng BFP Station ay madalas nagkakaroon ng traffic build-up.
Mahalaga aniya ang strategic sub-stations upang kahit papaano ay maiwasan ang delay sa pagresponde, lalo na tuwing rush hour.
Maliban dito, pinag-aaralan rin ang paglalagay ng sub-station sa bahagi ng East Tabacal Region na madalas ma-isolate tuwing mataas ang tubig sa Cagayan River.
Sa ganitong mga paraan, hindi lamang napapabilis ang responde sa mga kalamidad kundi mas maaga ring naibibigay ang tulong sa mga nangangailangan ng kanilang serbisyo.
Pinag-aaralan din ang pag-upgrade o modernisasyon ng mga kagamitan at sasakyan ng BFP na magagamit para sa mas maayos na pagresponde.











