--Ads--

Inaasahang tataas ang presyo ng karne at iba pang frozen goods ngayong nalalapit ang Christmas season, ayon sa mga vendors sa lokal na pamilihan sa Lungsod ng Cauayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ryan Albania, meat vendor, sinabi niya na karaniwan nang tumataas ang presyo tuwing kapaskuhan ngunit ngayong taon ay mas malaki umano ang inaasahang paggalaw dahil sa pagnipis ng supply na dulot ng mga nagdaang bagyo, at pagtaas ng demand.

Inihayag niya na maaaring umabot sa ₱300–₱400 ang presyo ng karne ng baboy kada kilo, habang posibleng pumalo sa mahigit ₱200 ang presyo ng manok.

Sa kasalukuyan, matumal pa ang bentahan ng karne at manok. Ilan sa mga tindero ang nagsabing nalugi sila matapos masira ang ilang bahagi ng kanilang supply dahil sa epekto ng malalakas na bagyo na tumama sa rehiyon nitong mga nagdaang linggo.

--Ads--

Samantala, unti-unti nang bumabalik ang supply ng manok matapos ang bird flu outbreak sa lalawigan. Bagama’t may ilan pang consumer na nag-aatubiling bumili, lalo na sa mga lugar na naapektuhan ng outbreak, napapansin ng mga tindero na dahan-dahang bumabalik ang tiwala ng publiko sa mga chiecken products.

Tiniyak naman ni Albania na ligtas ang kanilang ibinebentang manok at iba pang frozen goods dahil dumaraan ang mga ito sa tamang inspeksyon at proseso bago makarating sa pamilihan, kaya makasisiguro ang mga mamimili na hindi apektado ng anumang virus ang kanilang paninda.