Paiigtingin ng Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) ang pagbibigay ng mga parangal sa mga magigiting na kapulisan sa lalawigan ng Isabela batay sa kanilang mga accomplishment.
Ito ang pahayag ng IACTF matapos magawaran ang ilang Chief of Police sa isinagawang pagpupulong noong nakaraang Linggo.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay IACTF Chairman Ysmael Atienza Sr., na siya ring adviser ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), sinabi niyang nagbigay siya ng certificate of recognition sa mga pulis na maaari nilang magamit sa kanilang promotion.
Bukod sa certificate, nabigyan din ang 20 pulis ng kaunting pinansyal na tulong. Ginawa ang awarding noong Linggo sa IPPO, at kanina naman isinagawa ang awarding sa Cauayan City Police Station.
Dagdag pa niya, bagaman makatutulong ang mga parangal para sa promosyon ng mga pulis, tinitiyak niyang hindi ito magiging dahilan para gumawa o magpasa ng pekeng accomplishment.
Sa ngayon, aniya, ang karamihan sa mga accomplishment ng pulisya sa kanilang nasasakupan ay kaugnay pa rin ng mga kaso ng nakawan.
Nilinaw rin niyang hindi makalulusot sa IPPO ang mga pekeng accomplishment kaya hindi ito dapat gawin ng sinumang pulis alang-alang lamang sa promotion.











