--Ads--

Patuloy ang kampanya ng LGU Cauayan para maisulong ang transparency sa mga proyekto ng Pamahalaang Lungsod.

Inihayag ni Mayor Caesar Jaycee Dy Jr. na mula noong Lunes ay nagsimula na silang mag-post ng impormasyon tungkol sa mga proyekto, kung saan nakasaad kung ano ang proyekto at kung magkano ang pondo, upang mabigyan ng update ang mga residente ng lungsod.

Aniya, isa itong paraan upang maipakita sa publiko ang mga proyekto bilang patunay na may ginagawa ang pamahalaang lokal, taliwas sa ilang mga batikos.

Maliban dito, makikita rin ng publiko kung saan napupunta ang kanilang mga buwis.

--Ads--

Dagdag pa ni Mayor Dy, hindi lamang sa poblacion inilalatag ang mga proyekto kundi sa lahat ng 65 barangay ng lungsod.

Sa kasalukuyan, isinasagawa na ang bidding para sa road concreting sa West Tabacal Region mula Brgy. Labinab hanggang Brgy. Sta. Luciana upang tuluyan nang maayos ang baku-bakong daan.

Paglilinaw niya, nananatili pa ring prayoridad ng LGU ang health care, kaya’t puntirya nilang makapagpatayo ng karagdagang ospital oras na madagdagan ang pondo ng lungsod para sa mas maayos na health care system.