--Ads--

Tatlo ang sugatan matapos magsalpukan ang dalawang motorsiklo sa kahabaan ng Santiago–Tuguegarao Road, Barangay San Antonio, Roxas.

Kinilala ang mga biktima na si alyas “Gin”, residente ng Brgy. San Placido at tsuper ng isang Yamaha Sniper, habang sakay naman ng Euro Sport si alyas “Daniel” at ang backrider nitong si alyas “Rick”, kapwa mula San Francisco, San Manuel.

Ayon kay PMAJ Christian Caoile, hepe ng Roxas PNP, natanggap nila ang tawag hinggil sa aksidente bandang alas-6 ng gabi at agad nila itong nirespondehan kasama ang Rescue 333.

Batay sa imbestigasyon, binabaybay ni “Gin” ang direksyong patungo sa sentro ng bayan nang biglang umagaw ng linya si “Daniel,” dahilan ng banggaan at pagkakatilapon ng mga sakay ng dalawang motorsiklo.

--Ads--

Dagdag ni Caoile, lumabas sa inisyal na pagsusuri na pawang nakainom ang mga sangkot, na posibleng naging pangunahing dahilan ng insidente.

Agad namang isinugod sa pagamutan ang tatlo matapos magtamo ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan. Nilinaw rin ni Caoile na hindi accident-prone area ang naturang lugar at may maayos naman itong ilaw sa oras ng insidente.

Muling pinaalalahanan ni Pmaj. Caoile ang publiko na umiwas sa pagmamaneho habang nakainom at palaging sumunod sa batas-trapiko upang maiwasan ang mga aksidenteng maaaring magdulot ng malubhang pinsala o pagkawala ng buhay.