Binuksan na muli ang daan para sa mga motorsiklo at mga four-wheeled vehicles sa may tulay ng Abuan River, ILagan City, Isabela kaninang ala-una ng hapon matapos bahagyang bumaba ang lebel ng tubig.Ito ang kauna-unahang pagkakataon na umapaw ang tubig sa naturang ilog.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Noli Uy, kawani ng Provincial Task Force ng Isabela, sinabi niyang kaninang alas-nwebe ng umaga ay hindi pa ganoon kataas ang tubig sa Abuan River. Ngunit makalipas lamang ang isang oras, bigla itong umapaw kaya pansamantalang isinara ang daanan para sa mga motorista.
Ayon sa kanya, ang malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan sa lungsod simula pa kahapon hanggang kagabi ang nakikitang dahilan ng pag-apaw ng ilog. Bagama’t huminto umano ang ulan, panandalian lamang ito.
Dagdag pa niya, marami na ring mga kahoy ang naanod dahil may mga bahagi ng kabundukan sa Sierra Madre ang gumuho. Dahil dito, inaasahan na posibleng magkaroon ng mga landslide sa mga susunod na araw.
Mahigpit namang ipinatutupad ng pulisya sa lugar ang pagbabawal sa mga mangingisda na pumalaot muna para sa kanilang kaligtasan.











