--Ads--

Pinabulaanan ni 1st District Representative Tonypet Albano ng Isabela ang mga alegasyon na kabilang siya sa mga nangunguna sa pagkakaroon ng allocable funds, kasunod ng inilabas na ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism na naglagay sa kanyang pangalan sa ika-13 pwesto sa listahan ng umano’y pork barrel beneficiaries.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay 1st District Representative Tonypet Albano ng Isabela nilinaw niya na mayroong formula ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa tamang pag-distribute ng pondo batay sa pangangailangan ng bawat distrito.

Ayon sa kongresista, malaking probinsiya ang Isabela at may malaking populasyon ang 1st District, kaya’t naaayon lamang na mas malaki ang allocation ng pondo nito.

Dagdag pa niya, dahil ang distrito ay may malalawak na natural na yaman at madalas tamaan ng mga kalamidad, kailangan ding mas maayos ang alokasyon ng pondo para sa mga proyekto tulad ng mga tulay at iba pang imprastraktura.

--Ads--

Ani ni Albano, habang ang ibang distrito sa Isabela ay binubuo lamang ng apat na bayan, ang kanyang distrito ay may isang lungsod at walong munisipalidad, kaya naman nagkakaroon ng diperensya sa budget kumpara sa ibang distrito.

Bago pa man ang budget season, nakikipag-ugnayan na ang kongresista sa DPWH upang matukoy ang mga prayoridad na proyekto para sa distrito.

Ikinagagalak ng opisyal ang pagkakabilang sa ika-13 pwesto, ngunit aniya, hangad niyang makapasok pa sa top 5 ng alokasyon ng pondo upang mas marami at mas malaking benepisyo ang maibigay sa kanyang nasasakupan.

Giit ni Albano, ang kanyang tungkulin ay humingi at ipaglaban ang nararapat na pondo mula sa National Government, na may sapat na ebidensiya, upang mapabuti ang 1st District nang hindi lumalabag sa batas.