--Ads--

Ipinahayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na nagpadala na sila ng mga intelligence at tracker teams upang tugisin si Sarah Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction, at iba pang sangkot sa umano’y ghost flood control project sa Davao Occidental.

Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez, Jr., nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa iba pang ahensya bilang paghahanda sa paglalabas ng mga warrant of arrest laban sa mga nasasangkot.

Dagdag pa niya, nagsasagawa na rin ng pangangalap ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa mga lugar na maaaring pagtaguan ng mga indibidwal.

Pakikipagtulungan ng komunidad Ayon sa PNP, alerto na rin ang mga barangay at neighborhood watch groups upang mag-monitor at mag-ulat ng mahahalagang impormasyon.

--Ads--

Matatandaan na isinampa Noong Biyernes ang mga kasong graft at malversation sa Office of the Ombudsman laban kay Discaya, ilang opisyal ng public works, at iba pa kaugnay ng P96.5-milyong halaga ng ghost flood control project sa Davao Occidental.

Ito’y kasunod ng pag-upload ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng isang video na nag-aanunsyo ng nalalapit na pag-aresto sa mga sangkot.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Sabado, nananatili si Discaya sa Pasig City at kasalukuyang binabantayan.

Bago ito, siyam sa 16 na personalidad na sangkot sa mga anomalya sa flood control projects sa Oriental Mindoro ang naaresto na.

Dagdag pa ni Remulla, inaasahan pang maglalabas ng karagdagang arrest warrants sa loob ng susunod na dalawang linggo laban sa iba pang indibidwal na sangkot sa isyu ng korapsyon sa flood control.