Tinaasan ng Department of Agriculture (DA) ang maximum suggested retail price (MSRP) o SRP ng pulang sibuyas.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., epektibo simula Disyembre 11, magiging ₱150 kada kilo na ang SRP ng imported red onions, mula sa dating ₱120 kada kilo. Ito ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng sibuyas sa mga bansang pinanggagalingan ng suplay ng Pilipinas tulad ng China, India, at Netherlands.
Dagdag pa ng kalihim, may ilang negosyante umano ang nagsasabing ang kanilang mga pulang sibuyas ay mula sa lokal na magsasaka upang maipagtanggol ang mataas na presyo, kahit na ang mga ito ay imported. Paliwanag niya, talagang kumukuha ang Pilipinas ng imported onions mula sa China at India tuwing off-season.
Nilinaw naman ni Laurel na mananatili sa ₱120 kada kilo ang SRP ng dilaw at puting mga sibuyas.
Umaasa ang DA na makikiisa ang mga negosyante sa pagpapatupad ng bagong MSRP, lalo na ngayong Holiday season.
Samantala, inanunsyo rin ng ahensya na suspendido na ang importasyon ng sibuyas simula Enero ng susunod na taon upang bigyang-daan ang pagpasok ng local harvest sa buwan ng Pebrero.
--Ads--









