Ipinahayag ng Department of Justice (DOJ) na magpapatuloy ito sa paghabol sa mga ari-arian ng yumaong dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary na si Maria Catalina Cabral kaugnay ng umano’y flood control scam.
Ayon kay DOJ Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, bagama’t nawawala na ang pananagutang kriminal dahil sa pagkamatay ni Cabral, maaari pa ring magsampa ang gobyerno ng mga kasong civil forfeiture upang mabawi ang mga posibleng ill-gotten assets. Patuloy din umanong iniimbestigahan ng DOJ ang papel ni Cabral upang makapagpatupad ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng freeze order sa pamamagitan ng Court of Appeals.
May isang kasong plunder na nakatakdang isumite sa Office of the Ombudsman para sa pagsusuri, bagama’t hindi na nagbigay ng detalye ang DOJ. Kinumpirma naman ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na bumuo na ang kanilang tanggapan ng team upang pag-aralan ang paghahabol sa estate ni Cabral at masiguro ang pagbabalik ng anumang mapatutunayang perang galing sa katiwalian.
Samantala, sinabi ni Batangas Rep. Leandro Leviste na nais umanong maging state witness ni Cabral at nakipagtulungan ito sa imbestigasyon bago pumanaw. Nanawagan naman si Sen. Sherwin Gatchalian na tiyakin ang seguridad ng iba pang posibleng testigo mula sa DPWH upang mabuo ang kaso kaugnay ng flood control scam.











