--Ads--

Sugatan ang isang lalaki matapos masaksak sa naganap na insidente dakong alas-8:45 ng gabi noong Disyembre 25, 2025 sa Barangay Minante 1, Cauayan City.

Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station, kinilala ang biktima na si alyas ‘Alex’, 55 taong gulang, isang farm employee at residente ng nasabing barangay. Ang suspek naman ay kinilalang si alyas ‘Tele’ 44 taong gulang, isang private employee na residente ng Dumaguete City, Negros Oriental, at pansamantalang naninirahan sa Cauayan City.

Ayon sa paunang imbestigasyon, bago ang insidente ay nagkaroon ng inuman ang biktima at ang suspek kasama ang kanilang mga katrabaho.

Sa kalagitnaan ng inuman, nagkaroon umano ng tensyon nang mairita ang biktima na nauwi sa pisikal na komprontasyon sa pagitan nito at ng kapatid ng suspek na kilala sa pangalang “Junjun.” Matapos ang insidente, umuwi muna umano ang suspek.

--Ads--

Kalaunan, napansin umano ng suspek at ng kaniyang kapatid ang mga natamong sugat ni Junjun, dahilan upang balikan nila ang kinaroroonan ng biktima. Pagdating sa lugar, nagkaroon ng suntukan sa pagitan ng kapatid ng biktima at ng kapatid ng suspek, habang sinamantala naman umano ng suspek ang pagkakataon at inatake ang biktima mula sa likuran, kung saan ilang beses niya itong sinaksak.

Dahil dito, nagtamo ng maraming sugat ang biktima at agad na dinala sa isang Hospital para sa agarang medikal na atensyon. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PNP Cauayan at naaresto ang suspek, na dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng mga kaugnay na kaso.

Bukod sa hanay ng PNP, agad din na rumesponde sa insidente ang mga tauhan ng Rescue 922. Ayon sa mga rescuer, conscious pa ang biktima nang ito’y isugod sa pagamutan subalit habang nasa biyahe ay napansin ang unti-unti nitong paghina

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente at mapanagot ang suspek alinsunod sa batas.