Sumilay ang pag-asa para sa mag-asawang Juan mula sa San Mateo, Isabela na mabawi ang kanilang sakahan matapos na mapabilang sa Regional Prize Winners sa katatapos na Grand Draw ng One Two Panalo Part 24 ng Bombo Radyo Philippines at Star FM.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Federico Juan mula sa San Antonio, San Mateo, Isabela — ang ₱50,000 Regional Prize Winner sa katatapos na Grand Draw ng One Two Panalo Part 24 ng Bombo Radyo Philippines at Star FM — sinabi niya na masugid siyang tagasubaybay ng Bombo Radyo Cauayan at ito ang kauna-unahang pagkakataong nanalo siya sa pa-promo ng himpilan.
Ayon kay Ginoong Juan, labis ang kaniyang kasiyahan matapos siyang manalo kahit na ito lamang din ang pagkakataong sumali siya sa pa-promo ng Bombo Radyo Philippines.
Ang kaniyang misis ang tagagawa at tagahulog ng kanilang entries, at nito lamang Disyembre 12 ay nabunot bilang special prize winner ang kaniyang misis at nag-uwi ng ₱500 cash at limited edition transistor radio.
Ang pera na kaniyang napanalunan ay gagamitin niya pantubos sa nakasanla nilang sakahan.











