Ipinahayag ni Pangulong Donald Trump nitong Sabado ng madaling araw na si Venezuelan President Nicolás Maduro at ang kanyang asawa na si Cilia Flores ay naaresto at dinala palabas ng Venezuela matapos ang isang malawak na opensiba ng Estados Unidos.
Ang operasyon, na isinagawa ng elite Delta Force unit ng U.S. Army, ay itinuturing na isa sa pinakamalaking eskalasyon sa relasyon ng U.S. at Venezuela sa kasaysayan.
Ayon sa mga opisyal , isinagawa ang raid sa Caracas na nagresulta sa pagkakadakip kay Maduro kasunod ng kumpirmasyon ni Pangulong Trump na matagumpay ang misyon at nasa kustodiya na ng U.S. si Maduro.
Isang Republican senator ang nagsabi na ibinunyag ni Secretary of State Marco Rubio na haharap si Maduro sa mga kasong kriminal sa Estados Unidos, kung saan matagal na siyang may nakabinbing indictment. Dagdag pa ni Rubio, inaasahan niyang “wala nang karagdagang aksyon sa Venezuela,” na nagpapahiwatig na pangunahing layunin ng Washington ang pagtanggal kay Maduro sa kapangyarihan.
Matagal nang inaakusahan ng administrasyong Trump si Maduro ng pagkakasangkot sa drug trafficking at pakikipagsabwatan sa mga gang na itinuturing na teroristang organisasyon—mga paratang na mariing itinanggi ni Maduro.
Ang opensiba ay sinundan ng ilang buwang pagpapalakas ng puwersang militar ng U.S. sa Caribbean, kabilang ang USS Gerald R. Ford aircraft carrier at iba pang barkong pandigma na nakapuwesto malapit sa karagatan ng Venezuela. Kamakailan, nasamsam ng U.S. ang dalawang oil tanker sa baybayin ng Venezuela, nagsagawa ng mga opensiba laban sa mahigit 30 bangkang umano’y nagdadala ng droga, at tinarget ang “dock area kung saan ikinakarga ang mga bangka ng droga,”
Sa pagkakatanggal kay Maduro sa kapangyarihan, nananatiling malaking tanong kung sino ang mamumuno sa Venezuela sa mga darating na araw at kung paano tutugon ang pandaigdigang komunidad sa makasaysayang pangyayaring ito.







